January 27, 2008

class of 1981 group photos past and present





transisyon. . .

kahit papaano, may buti ring nakakamit sa mga alingasngas, sa mga usap-usap. kung anong buti, ay batay sa pagtanggap at pananaw. dinala ako ng alingasngas sa isang pagninilay-nilay ng sarili. susubukan muli ang hangganan ng pagbabalik-alaala.mukhang maglalaro nanaman ako ng mga salita.

***
sa kung anong dahilan, bumalik ang alingasngas ng aking pagkabata mula sa bibig ng mga ka-kilala, sa bibig ng mga di-kakilala. nakakatawa at nakakatuwang isipin at balikan ngayon ngunit kung noon ito nangyari o kung noon ako sinabihan na ako ay "maitim" at "patpatin" noong ako'y nasa mataas na paaralan, baka hindi pa man nasasambit ang unang salita ay pumitik na ang aking palad sa mapintasing bibig, irapan kaya o hindi na pansinin. maaring gawin o maaari ring hindi, ngunit walang pasintabi sa murang isip. gagawin at gagawin maipagtanggol lang ang sarili. hindi rin naman masisisi ang namimintas dahil kasama ang pang-aaway, ang pang-haharas sa pagiging isang bata. dahil kung hindi ginawa, kulang ka. . . .hindi ka bata, hindi ka naging bata.

ako nga ang isa lang sa mga patpatin at maiitim noon sa mataas na paaralan ng manuel roxas. kahit ako, pag tinitingnan ko ang "ako" sa mga litrato - aminado. walang duda. ano pa bang dapat gawin?... kundi mahalin ang sarili. ikahiya ba? ibahin? yun ang panlabas kong kaakuhan - -natural, bata, laging nasa layasan, naglalaro ng patintero, nagtitinda ng nilagang saging sa karerahan, bilad sa araw, anong alam sa pag-aayos, walang pang-ayos, bakit mag-aayos, parang ibon kumain, mapili sa pagkain, sadyang mabuto, sadyang maitim, huli ang ritmo ng katawan sa normal na biolohiya ng isang babae - - kaya ayun; walang hubog, payat, negra. habang itinatala ito, abot tenga naman ang ngiti ko, napapailing, napapahagikhik sa pagbabalik-tanaw. naalala si ano ay ganyan. at si ano ay ganoon. na ganoon ako kay ano. at naging ganoon si ano sa akin. unti-unting nagiging klaro muli ang sirkumstansiya ng buhay ko bilang seryosong mag-aaral na nakihalubilo sa mga kamag-aral. may kamag-aral na mistisahin, may morena, may maitim. kamag-aral na mataba, payat, matangkad, pandak, kyut, di kyut, gwapo, di gwapo. kamag-aral na ligawin at di maligawan, magaling manligaw, tupi o torpe. habang hindi magkamayaw ang alaala sa isip, nilalagay ko rin ito sa tama, sa kung anong sentimiyento ba ang kakapitan at kung ano ang hindi dapat maramdaman. katotohanang hindi naman nabawasan ang kumpiyansa na maisakatuparan ang itinalagang kurikulum para makatapos.hindi naman nahuli at nagpahuli. payat man at maitim may mga papuri ring natanggap. hindi nga lang nagawang makipagsabayan sa pagbilang nga mga manliligaw o nagawang makuha ang atensiyon ng iniirog, o kaya'y naging mainit na paksa sa pulong ng mga kalalakihan. pula nga ng isang mag-aaral "wala atang nanligaw dun eh" - pananaw na karapatan niyang sabihin at nasabi ayon sa kung ano lang ang nasaksihan niya noon at kung anong nakarating sa kanyang kaalaman. yun ang. . . . akala. ang tao kasi, kainaman ng tumunghay sa kung anong nasa harap. nasa harap na kasi, bakit nga naman mag-aatubili pang tumingin sa malayo? - isang klase ng limitasyon na iginagawad sa kaisipan. ngunit pagkaminsan pa rin, nasa harap na nga hindi pa rin matitigan. wala pa ring nakikita. hindi ba talaga makita? o sinasadya na lang na hindi makita?
may inilaan naman para sa akin ang panahon. maamin pa kaya ng isang kamag-aral na lumigaw siya ngunit hindi na itinuloy dahil binasted agad? matandaan pa rin kaya ng isa pang kamag-aral na sumulat siya na may nilalaman na ganito? "may itsura ka, pero magpaputi ka ng konti.". (humagalpak ako ng tawa mag-isa ng maalala ko ito) klaro pa rin, hanggang ngayon, kung nasan kami nung ibinigay, kung saan siya nakaupo, ang itsura ng papel, kung paano siya sumulat, at kung paano nakatupi. wala akong sinabihan na may manliligaw ako na dalawang taong mas bata sa akin. second year kong tagahanga lalo na't pag naguutos akong pumila na ang pulutong at naka-uniporme ng pang-CAT. walang nakaalam dahil hindi pinaalam at wala sa wisyong ipagsabi. dala ko pa rin hanggang ngayon ang taimtim kong pagpapahalaga sa pribadong buhay. taal na masikreto, di mapala-imik at pinipili ang iimikan.

ang pagiging payat at maitim ay isang dimensiyon ko na hindi maiwawaglit kailanman. kung walang "ako" noon, hindi marahil naging sapat o malakas ang hila sa isang pagwawakas ng lumang sarili. ang lumang ako ang nagdulot ng pagbabagong-tao, panibagong panahon, perspektibo at buhay. wala akong saklaw sa kung anong ibinigay ng nasa itaas kundi ang pagyamanin. masaya ako at may nahantungan ang ginawang pag-alpas sa dati. dalawang transisyon lamang; transisyong dumating ng kusa at mga transisyong ikinusa. nagbago dala ng mayamang karanasan, mabungang kinalulugaran at malalim na pagkilala sa sarili. palasak mang pananalita, ihahambing ang sarili sa isang halaman na naghintay muna ng panahon bago umusbong. mainam ngang ngayon lang humubog ang kaanyuan na namamalas na sa panahon na isa ng "ngayon". matagal ng tapos ang kahapon. balikan man, wala na ang isang maitim at patpatin na naglalakad o tumatakbo na bakat sa laman ang buto sa tuhod sa harap ng inyong mga mata. isang mapusyaw na lang na alaala ito. ang bagong "ako" ay nasa kasalukuyan na at sa pakiwari ko'y patuloy pang nag-uumigting ang kaakuhan - labas at loob. ang bagong "ako" na kahit na nasa apat na dekada at dalawa ay nananagana sa salitang malugod, tinig na napapatalon at matang napapako.

AKO na nga ito - -
ang inyong kamag-aral,
ang dating maitim at patpatin,
nakangiti at patuloy na niyayakap
ang aking tanging panahon.

***

especially for you

singing bakit by rachelle ann go